Home METRO P275M makinarya, materyales sa paggawa ng sigarilyo, nasamsam ng BOC, DILG sa...

P275M makinarya, materyales sa paggawa ng sigarilyo, nasamsam ng BOC, DILG sa Pampanga

178
0

PAMPANGA, Philippines – Tinatayang nasa higit P275 milyon halaga ng mga produktong tabako, makinarya sa paggawa ng sigarilyo, at iba pang kagamitan ang nasamsam sa serye ng operasyon na isinagawa ng magkasanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Pampanga noong Pebrero 13 hanggang 14, 2026.

Ayon sa BOC, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa smuggling at ilegal na kalakalan na sumisira sa kita ng pamahalaan, negosyo, at kalusugan ng publiko.

Nabatid sa BOC na ang unang sinalakay na bodega ay sa Mexico, Pampanga kung saan nadiskubre ang tinatayang ₱160 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng tabako, recycled na sigarilyo, mga filter na may tatak na “Chungwa” at “Fort,” at iba pang materyales sa paggawa ng sigarilyo.

Sa ikalawang bodega naman ay sa San Simon, Pampanga kung saan nasamsam ang hilaw at naprosesong tabako na may tatak na “Modern,” mga makina sa paggawa ng sigarilyo, packaging materials, at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng halos ₱115 milyon.

Nabatid sa BOC na nauna nang sinalakay noong Pebrero 11 ang isa pang bodega sa San Fernando, Pampanga sa pamumuno ng DILG, kung saan nasabat ang mga kahon ng sigarilyong may tatak na “Playboy,” pati mga kagamitan sa pag-iimpake na pinaniniwalaang konektado sa parehong sindikato.

Giit ng BOC, hindi titigil ang kanilang intelligence operations upang matiyak na mananagot ang lahat ng sangkot sa ilegal na negosyo.

Binigyang-diin din ng DILG na mahalaga ang matinding koordinasyon at mabilis na palitan ng impormasyon ng mga ahensya para tuluyang mabuwag ang mga organisadong operasyon ng ilegal na paggawa ng sigarilyo.

Tiniyak naman ng BOC na magpapatuloy ang kanilang pagsugpo laban sa mga aktibidad na naglalagay sa panganib sa kalusugan ng publiko, sumisira sa legal na negosyo, at hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here