Home METRO P2M pera, alahas nananakaw sa Zambo mall; mga kawatan dumaan sa manhole

P2M pera, alahas nananakaw sa Zambo mall; mga kawatan dumaan sa manhole

ZAMBOANGA CITY – Nagawang makulimbat ng mga magnanakaw ang P2-milyong halaga ng cash at alahas mula sa isang mall dito noong Martes ng gabi, Marso 5.

Ayon sa imbestigasyon, tatlong lalaki ang pumasok sa Yubenco Mall sa pamamagitan ng isang manhole patungo sa drainage system ng establisyimento.

Dumiretso ang mga suspek sa supermarket at naglagay ng langis malapit sa entrance at exit para bumagal at maantala ang mga security personnel sakaling maalerto sila sa kanilang presensya.

Sinira nila ang padlock ng rollup steel door na nagpapahintulot sa kanila na makapasok sa seksyon ng mall kung saan matatagpuan ang mga tindahan.

Hinalughog ng mga suspek ang tatlong tindahan ng alahas ng kanilang mga mahahalagang gamit at winasak at kinuha ang pera sa mga ATM machine.

Sinusuri na ng pulisya ang mga fingerprint na nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen at kasalukuyang pinag-aaralan ang footage mula sa mga surveillance camera upang makilala ang mga suspek. RNT