NAGLABAS ng Warrant of Seizure and Detention ang Bureau of Customs (BOC)-Port of Cagayan de Oro laban sa tinatayang P3.5 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo na nasabat sa Kapatagan at Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
Nabatid sa BOC, ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Kapatagan ay nai-turn over noong Hulyo 8, 2024 sa BOC Sub-Port ng Iligan habang ang mga nakumpiska sa Sultan Naga Dimaporo ay itinurn-over noong Hulyo 11, 2024.
Ang mga sigarilyo at ang sasakyang ginamit sa pagbibiyahe ay nakumpiska dahil sa paglabag sa Sections 1113 (f) at 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at National Tobacco Administration (NTA) Rules and Regulations.
Ang 4,300 reams ng sigarilyo ay tinatayang nagkakahalaga ng P3.584 milyon base sa kasalukuyang market value.
Napag-alaman na mula Mayo, 2024, nahuli ng BOC-CDO, kasama ang Philippine National Police at Philippine Army, ang tinatayang halaga ng P29.359 milyon na halaga ng smuggled na sigarilyo sa Northern Mindanao at mga kalapit na lalawigan.
“The initiative by the Port of CDO to improve coordination with various law enforcement agencies is essential in fulfilling our mission to fortify border security against illicit trade, including the trafficking of illegally imported tobacco products”, ani BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio. Jay Reyes