Home NATIONWIDE P30.22B home loans inaprubahan sa Q1 ng 2025

P30.22B home loans inaprubahan sa Q1 ng 2025

245
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund na umabot na sa P30.22 bilyon ang halaga ng mga home loan na kanilang naipamahagi sa unang quarter ng 2025.

Ayon sa Pag-IBIG Fund, ang naturang halaga ay 8% mas mataas—o higit P2 bilyon—kumpara sa P28.09 bilyon na naipautang sa kaparehong panahon noong 2024.

Ang mga loan na naipamahagi mula Enero hanggang Marso ay nakatulong sa 20,315 miyembro ng Pag-IBIG Fund upang makamit ang pangarap nilang magkaroon ng sariling tahanan.

“Ang malakas na performance ng Pag-IBIG Fund sa unang bahagi ng taon ay patunay ng patuloy nitong paninindigan na magbigay ng abot-kayang pabahay para sa mga pamilyang Pilipino,” pahayag ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees.

“Habang ipinagpapatuloy natin ang pag-unlad sa home financing kasabay ng lumalakas na momentum ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, tinutugon natin ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iahon ang kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng maayos at disenteng pabahay,” dagdag pa niya.

Samantala, binigyang-diin ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta ang mahalagang papel ng ahensya sa pagpapatupad ng 4PH Program sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo hindi lamang sa mga developers, contractors, at local government units, kundi pati na rin sa mga indibidwal na bumibili ng 4PH housing units.

Sa unang quarter ng 2025, umabot sa P987.91 milyon ang nailabas na pondo sa ilalim ng programa, na napakinabangan ng 669 miyembro at kanilang pamilya na ngayon ay may sarili nang tahanan.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa aming mga miyembro at stakeholders sa kanilang patuloy na pagtitiwala at suporta sa aming mga programa,” ani Acosta.

“Ang aming performance sa larangan ng home loan ay hindi lamang nagpapakita ng aming financial strength, kundi pati na rin ng aming matatag na panata na gawing mas abot-kaya at mas maaabot ang pagmamay-ari ng bahay para sa mga manggagawang Pilipino.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here