Home NATIONWIDE P30 kada kilong bigas target ng DA sa Hulyo

P30 kada kilong bigas target ng DA sa Hulyo

MANILA, Philippines – Layon ng Department of Agriculture (DA) na pababain pa ang presyo ng bigas sa P30 kada kilo pagsapit ng Hulyo.

Ito ay makaraang tanungin si DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa kung posible ba ang P30 kada kilo na bigas, matapos sabihin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na posible ito.

“Ito naman ay ginagawa na ng National Irrigation Administration, Kadiwa dahil meron silang tinatawag nating contract farming,” sinabi ni De Mesa sa isang panayam.

Aniya, sa pamamagitan ng contract farming sa pagitan ng National Food Authority (NFA) at farmers’ cooperatives, bibigyan ng pamahalaan ng subsidiya ang production inputs ng mga ito.

“In return ay ibebenta nila ‘yung palay sa NFA. Sigurado tayo na mas magiging mura ‘yung production input at dahil dito ay merong pagkakataon talaga na maibenta ng mas mura sa pamilihan ‘yung palay,” dagdag niya.

Nitong Linggo, sinabi ng DA na ang presyo ng local regular milled rice ay nasa P50 kada kilo, at P48 hanggang P55 kada kilo naman para sa local well-milled rice.

Para naman sa imported commercial rice, ang regular milled rice ay mula P48 hanggang P51 kada kilo, at ang well-milled rice ay mula P51 hanggang P54. RNT/JGC