Home METRO P32M shabu lumutang sa karagatan ng Cagayan, Batanes

P32M shabu lumutang sa karagatan ng Cagayan, Batanes

TUGUEGARAO CITY, Cagayan- Handa ang buong pamunuan ng Police Regional Office o PRO 2 na magkasa ng malalimang imbestigasyon katuwang ang National Headquarter kaugnay sa mga narekober na shabu na umaabot na sa P32 milyon sa karagatang sakop ng Cagayan at Batanes.

Ayon kay PMaj. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Police Regional Office 2, narekober ang mga ilegal na droga na may timbang na 4,577.02 gramo sa mga karagatang sakop ng Batanes at Cagayan, pangunahin sa bayan ng Sanchez Mira, Aparri, Calayan at Abulug.

Sa pagsisiyasat ng Regional Forensic Group, ang mga nasabing kontrabando ay mayroong Chinese markings na nagkakahalaga ng P31 milyon.

Sinisilip ngayon ng Regional Intelligence Division kung ang mga narekober na shabu ay may kaugnayan sa naunang nakumpiska na bilyong pisong halaga ng droga na mula sa lalawigan ng Ilocos Norte at Pangasinan.

Nakatakdang susuriin kung pareho ang purity at grade ng shabu na ibinebenta ngayon sa merkado at sa mga narekober ng mga mangingisda.

Samantala, nanawagan ang PRO2 sa mga mangingisda na agad na ipaalam sa himpilan ng pulisya ang mga narerekober na mga ilegal na droga sa mga karagatan. Rey Velasco