MANILA, Philippines- May kabuuang P331,200,419.1 halaga ng dangerous drugs na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon sa Zamboanga Peninsula ang winasak nitong Miyerkules, base sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ng PDEA na ito ang pinakalamaking pagwasak na isinagawa sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng thermal destruction method na isinagawa sa Liberty Power and Energy Corporation (LPEC) sa Aurora, Zamboanga del Sur, binubuo ang mga sinunog na droga ng 48,689.6695 gramo ng shabu at 1,041 piraso ng expired medicines.
Base sa PDEA, kabilang sa mga winasak na droga ang 21 at 16 kilo ng shabu na nasamsam mula sa magkahiwalay ng anti-drug operations sa Zamboanga City noong nakaraang taon.
Sa pakikipag-ugnayan sa kaukulang government agencies at stakeholders, isinagawa ang pagwasak sa mga droga alinsunod sa “court orders issued by the Regional Trial Courts of Pagadian City, Molave, Aurora, and Zamboanga City.’’
Binigyang-diin ni PDEA Regional Office Director Maharani R. Gadaoni-Tosoc na binibigyang-diin nito ang pagsisikap ng ahensya sa giyera laban sa ilegal na droga.
“This is a testament to our unwavering commitment to eliminating illegal drugs and ensuring these confiscated substances will never reach the streets again,” ani Tosoc.
Pinasalamatan din niya ang “LPEC, and all officials and stakeholders who attended the activity, for making this possible.’’ RNT/SA