Home METRO P340K shabu nasabat sa Parañaque, 3 tulak arestado

P340K shabu nasabat sa Parañaque, 3 tulak arestado

MANILA, Philippines – Sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ay tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang babae, ang inaresto Huwebes ng umaga, Mayo 30.

Sa report ng Parañaque City police na isinumite sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang tatlong suspects na sina alyas Ailyn, 28; alyas Carmela, 34; at isang alyas Alfie, 38.

Naganap ang pagdakip sa mga suspects sa ikinasang buy-bust operation ng SDEU bandang alas 8:30 ng umaga sa Lopez Jaena Extension, Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang 4 heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng 50 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P340,000; 39 piraso ng tig-P1,000 boodle money; 4 pirasong tig-isang daang piso; 1 itim na pouch at ang P1,000 na buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang nakumpiskang ilegal na droga na gagamitin bilang ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspects ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa qualitative at quantitative analysis.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police. James I. Catapusan