MONTEVISTA, Davao de Oro- TODAS ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng kanyang bayaw na hindi nito pinahiram ng kanyang motorsiklo nitong Miyerkules, Mayo 29 sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Christopher Amang Sungcuan, 36, habang nadakip naman ang suspek at bayaw nitong si Mark Aumento Benigno, 26-anyos, kapwa residente ng Purok 3, Barangay Camantangan, Montevista.
Batay sa report ng Montevista Municipal Police Station, bandang 3:40 PM nang maganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen inireklamo ng biktima ang suspek sa barangay dahil sa paninira sa kanilang makaraan hindi niya ito pinahiram ng motorsiklo.
Ikinagalit ng suspek ang ginawa ng biktima kaya sinugod niya ito ng patalim at tinangkang saksakin subalit naawat ito ng kanilang kaanak.
Ilang minuto ang nakalipas, nakita naman ng suspek ang biktima na bitbit na itak at tinangka niyang tagain subalit kumuha ng baril ang una at binaril sa ulo at dibdib ang huli.
Mabilis naman rumesponde ang mga otoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at dinala sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Nadakip naman ang suspek at isinuko nito ang armas na ginamit sa krimen.
Nakatakda naman sampahan ng kaukulang kaso laban sa suspek. Mary Anne Sapico