Home NATIONWIDE Apat na linggo selebrasyon sa ika-453 taong anibersaryo ng Maynila aarangkada na

Apat na linggo selebrasyon sa ika-453 taong anibersaryo ng Maynila aarangkada na

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-453 taong anibersaryo ng Araw ng Maynila na gaganapin sa Hunyo 24, aarangkada na ang apat na linggo ng Hunyo na hindi malilimutang musika, pagkain, magic, at alaala sa Kartilya ng Katipunan sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan, ang Tunog Maynila free concert series sa Hunyo 1, 8, 15, at 22 ay nakatakda sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng city hall.

“We have 12 of the country’s top bands who will perform on the four Saturdays of June leading to Araw ng Maynila,” ani Mayor Lacuna.

“Every weekend in June in Manila, we will have unforgettable music, food, magic, and memories at the Kartilya ng Katipunan (beside Manila City Hall),” dagdag pa ng alkade.

Ayon sa alkalde, isang food bazaar “Lasa Maynila” ng Mercato Central ang maaaring bisitahin ng publiko partikular na ang mga Manilenyo sa Kartilya ng Katipunan tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo ng Hunyo na magsisimula alas-4:00ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi.

Aniya, isang libreng konsiyerto din na “Musiko Maynila” ang magtatampok sa mga nangungunang Marching Bands ng Metro Manila ay gaganapin tuwing Biyernes mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.

Tampok din ang “Talentadong Manileño” na isang talent contest na pangungunahan ng Bekshies ng Maynila (LGBTQ) tuwing Biternes simula alas-6 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Tuwing Sabado naman ay magkakaroon ng “Lights and Fireworks Show” bago at matapos ang pagtatanghal ng Tunog Maynila.

Sa araw naman ng Linggo ay itatampok din ang isang dance competition na “Zumba Manila” na inorganisa ng Manila SPTA kung saan kasabay nito ang Move Manila Car Free-Sunday.

Ang programang Move Manila Car-Free Sunday ay pinagtibay matapos pirmahan ni Mayor Honey ang Ordinance No. 9047 kung saan itatalaga ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula Padre Burgos Circle hanggang Quirino Avenue bilang “car free zone” tuwing araw ng Linggo.

Nabatid sa alkalde na matagumpay ang paglulunsad ng Move Manila sa kabila ng mahinang pag-ulan. Plano naman ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na palawigin ang lugar ng Move Manila Car-Free Sunday sa Escolta, Binondo, at Esplanade ng Ilog Pasig.

Ayon pa kay Mayor Lacuna, para sa karagdagang impormasyon, mangyaring sundan ang lahat ng “SaMA-SAYA sa MAYNILA” at Manila Public Information Office (MPIO) social media accounts. JAY Reyes