Home METRO Court officer arestado sa pangingikil

Court officer arestado sa pangingikil

MANILA, Philippines – Arestado ang isang opisyal ng Korte sa entrapment operations dahil sa ibat-ibang paglabag sa Pasay City.

Ayon sa National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD), kinilala ang naaresto na si Mariejoy P. Lagman, Court Officer ng RTC Branch 108 ng Pasay City.

Ang mga kasong kinakaharap ng court officer ay Direct Bribery, Anti-Graft and Corrupt Practices, Conduct and Ethical Standards for Public Officials bukod sa iba pa.

Nag-ugat ang operasyon mula sa request letter ng Korte Suprema sa NBI na humihingi ng atensyon at aksyon kaugnay sa alegasyon na nangingikil ng pera ang RTC Branch 108 ng Pasay City mula sa mga sangkot sa mga kaso na nililitis sa nasabing sangay.

Nagawa ng mga operatiba ng NBI-CCD na magkaroon ng komunikasyon sa isa sa mga partido (defendant) sa nasabing kaso at ibinunyag na ang nasabing sangay ng Korte ay talagang nangingikil ng pera mula sa akusado kapalit ng isang paborableng desisyon.

Noong Mayo 23, 2024, ang mga operatiba ng NBI-CCD kasama ang Liaison Officer ng nasasakdal ay nagtungo sa tanggapan ng kawani ng RTC Branch 108 sa Pasay City Justice Hall upang ibigay ang hinihinging pera na nagkakahalaga ng P6,000,000.00.

Sa pagbigay ng marked money, si Lagman bilang kapalit, ay nagbigay ng Court Order na naglalaman ng dismissal ng kaso na pabor sa akusado.

Sa pagkakataong ito, agad na pumasok sa court staff room ang mga operatiba ng NBI-CCD at inaresto si Lagman. Jocelyn Tabangcura-Domenden