MANILA, Philippines – ININSPEKSYON ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang motorcycle lay-by sa ground level ng Quezon Avenue flyover sa Quezon City upang matiyak ang kahandaan nito para sa mga riders na naghahanap ng masisilungan sa panahon ng malakas na buhos ng ulan sa pagsisimula ng tag-ulan.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, gumawa ang ahensya ng solusyon para matugunan ang kalagayan ng mga motorcycle riders sa panahon ng malakas na pag-ulan kung saan kailangan nilang huminto sa gitna ng kalsada upang hintayin ang pagtila nito.
“The establishment of emergency lay-bys along major thoroughfares aims to provide temporary shelter for motorcycle riders during rainfall,” ani Artes.
Ayon pa sa opisyal, sumulat umano sa kanilang ahensiya si 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez noong nakaraang linggo, na humihingi ng status ng motorcycle rain shelters gaya ng ipinangako ng MMDA.
“The data requested would aid us in determining the required legislation to assist the MMDA and local government units regarding the traffic situation in our country,” ani Gutierrez, sa kanyang liham na may petsang Mayo 21.
Ayon kay Artes, target ng ahensya na makapagtatag ng hindi bababa sa 14 na motorcycle lay-bys sa ilalim ng mga flyover na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA, C5 at Commonwealth kung saan inaasahang mabubuksan ito sa publiko sa Hulyo.
Ang emergency lay-by ay naglaan ng mga espasyo para sa mga motorsiklo at bisikleta na may nakatalagang entrance at exit sign.
Nagpasalamat din si Bonifacio Bosita ng 1-Rider Partylist, na naroroon din sa inspeksyon, sa MMDA sa pagdinig sa kanilang kahilingan.
“Kami po sa 1-Rider Partylist ay nagpapasalamat kay Chairman Artes ng MMDA. Dininig niya ang mga hinaing at pangangailangan ng mga riders. Umaasa po tayo na ang mga kapatid nating riders ay makikipag-cooperate sa MMDA sa pamamagitan ng pagrespeto sa kanilang traffic enforcers at pagsunod sa batas-trapiko,” giit ni Bosita.
Nabatid din sa MMDA na ang Motorcycle taxi ride-hailing service na Angkas ay magbibigay ng donasyon na 10 bicycle repair shops na nilagyan ng basic repair at vulcanizing tools.
“We have trained MMDA personnel who will assist motorcycle riders and cyclists who need road emergency assistance,” ani Artes.
Kapag available na ang emergency lay-bys at bicycle repair shop sa Hulyo, umapela ang MMDA chief sa mga rider at siklista na maging responsable at ibalik ang lahat ng repair tools pagkatapos gamitin. JAY Reyes