QUEZON CITY, Philippines – Aabot sa P366,724.00 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Quezon City Police District matapos maaresto ang tatlong (3) drug suspek sa isinagawang drug operation ng mga otoridad sa naturang lungsod nitong nakalipas na Martes ng gabi (Nobyember 11).
Kaugnay nito pinuri ni QCPD Acting Director PCOL Randy Glenn Silvio ang dedikasyon ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa kanilang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga drug suspect at pagkakakumpiska ng iligal na droga.
Kinilala ng DDEU sa pamamagitan ng hepe nito na si PMAJ Elvin Ballesteros ang mga nadakip na suspek na sina alyas “Ferdinand”, 32 taong gulang, “Cornelio”, 29, kapwa residente ng Brgy. Sauyo, Novaliches Quezon City; at alyas “James”, 35 taong gulang, at residente ng Brgy. San Agustin, Novaliches, QC.
Batay sa ulat, isinagawa ang buy-bust operation alas-9:35 ng gabi nitong Nobyembre 11, 2025 (Martes) sa Saturnina Compound, Brgy. Sauyo, Quezon City matapos magbigay ng impormasyon sa pulisya ang isang concerned citizen hinggil sa aktibidad ng ilegal na droga ng mga suspek. Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng Php37,500.00 halaga ng shabu sa mga suspek at sa ibinigay na pre-arranged signal, agad naaresto ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang 53.93 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php366,724.00, isang cellular phone, isang pouch, isang Honda Click 125 na motorsiklo, at ang buy-bust money.
Nabatid sa record check, napag-alaman na may mga naunang kaso si alyas “Ferdinand” para sa tatlong (3) bilang ng paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), habang si alyas “James” ay may mga naunang kaso ng paglabag sa R.A. 9165 at P.D. 1602 (Anti-Illegal Gambling Law).
Kakasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa R.A. 9165 sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, sinabi ni PCOL Silvio, “Ang tagumpay ng operasyon na ito ay nagpapatunay na ang QCPD ay hindi tumitigil sa pagsugpo sa ilegal na droga. Magtulungan po tayo, Qcitizens at QCPD laban sa krimen”. (Santi Celario)