Home NATIONWIDE P38T climate-smart forest investments magsusulong ng mas maraming trabaho, rural growth –...

P38T climate-smart forest investments magsusulong ng mas maraming trabaho, rural growth – DENR

1
0

MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P38 trilyon ang maaaring malikha na production value sa loob ng susunod na 25 taon mula sa climate-smart investments sa 1.18 milyong ektarya ng forest land, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na layunin ng programa na lumikha ng mas maraming trabaho, mapalago ang kabuhayan sa kanayunan, at gawing produktibo ang mga kagubatan sa pamamagitan ng responsableng pamumuhunan.

Nakabatay ang inisyatiba sa DENR Administrative Order No. 2026-34, na nagtatakda ng climate-informed framework para sa pagtukoy at pagpapaunlad ng mga lugar na maaaring paglagakan ng forest investments.

Ayon sa DENR, tinukoy ng Forest Management Bureau (FMB) ang humigit-kumulang 1.18 milyong ektarya ng Potential Investment Areas na maaaring paunlarin sa ilalim ng Sustainable Forest Land Management Agreements.

Kapag naisakatuparan, inaasahang makalilikha ang mga ito ng humigit-kumulang P4 bilyon na taunang kita mula sa tree plantations, agroforestry, grazing, ecotourism, renewable energy, at iba pang forest-based enterprises.

Pinakamalaking bahagi ng mga natukoy na lugar ang para sa agroforestry, kasunod ang tree plantations at renewable energy projects. Matatagpuan ang mga ito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, maliban sa National Capital Region, kung saan nangunguna ang Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.

Binigyang-diin ng DENR na layunin ng programa na pagsabayin ang pangangalaga sa kagubatan at pagpapalago ng ekonomiya sa pamamagitan ng science-based planning, climate resilience, at mahigpit na environmental safeguards. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here