MANILA – Arestado ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang dalawang high-value individual (HVIs) at nasamsam ang P3.06 milyong halaga ng shabu sa isinagawang operasyon sa Taguig City nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat, sinabi ng National Capital Region Police Office na naglunsad ng buy-bust ang mga awtoridad alas-1:15 ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ariane Tejada, 37; at Jhoanna Caparanga, 19, sa Xyris Street, Barangay Rizal, Taguig City.
Nakuha mula sa mga suspek ang 450 gramo ng shabu na tinatayang nasa P3.06 milyon ang street value.
Nakakulong ngayon ang dalawang suspek sa Taguig City police station at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dati silang inaresto dahil sa paglabag sa Section 11 at Section 5 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o illegal possession and selling of dangerous drugs. RNT