MANILA, Philippines- Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Pateros police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang isang 23 taong gulang na suspek na nakumpiskahan ng P3 milyong halaga ng shabu at marijuana kush nitong Sabado ng gabi, Mayo 10.
Kinilala ng Pateros police ang inarestong suspek na si alyas Cristobal, walang trabaho, tinaguriang isang bagong high value individual (HVI).
Base sa report na isinumite ng Pateros police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles, nangyari ang pagdakip sa suspek bandang alas-9 ng gabi sa kahabaan ng Rosales Street, Brgy. Sta. Ana, Pateros, Metro Manila.
Ayon kay Arguelles, nakipagtransaksyon ang isang operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer at nang magkasundo ang magkabilang grupo ay agad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.
Narekober sa posesyon ng suspek ang isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana kush, apat pang sachet ng marijuana, dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,000,000 at ang P1,000 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa Pateros police custodial facility ang suspek kung saan nahaharap ito sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office.
“This successful operation is a clear result of relentless dedication and tactical excellence. I commend the operatives of Pateros MPS for striking hard and fast against drug criminals. Let this serve as a strong warning to all drug traders — the Southern Police District will never give you ground. We will find you, and we will bring you to justice,” ani Arguelles. James I. Catapusan