MANILA, Philippines – Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit PHP4.1 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising.
“Sa kasalukuyan, ang total cost of humanitarian assistance na nai-provide na po ng DSWD ay nagkakahalaga na ng mahigit PHP4.1 million,” ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao nitong Sabado.
“Ito ay inisyal na tulong pa lang po, binubuo ng mga family food packs and non-food items.”
Mula alas-6 ng umaga, mahigit 68,000 pamilya, o 215,000 indibidwal, mula sa 495 na barangay sa Rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at Zamboanga Peninsula ang naapektuhan sa pananalasa ni Crising sa bansa, batay sa datos ng DSWD (OCD at Office of Civil Defense).
Sinabi ni Dumlao na nasa 5,400 ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Sinabi ni OCD Officer-in-Charge Rafaelito Alejandro IV na may mga baha na naiulat sa 53 lugar sa Ilocos Region, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Caraga..
Sinabi ni Alejandro na dalawang katao ang naiulat na nawawala sa Antique dahil sa pagbaha.
Kinilala ni Antique’s Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer III, Michael Tolentino, ang mga nawawalang sina Leonardo Alabog at Allan Zona, kapwa residente ng Sitio Banglid sa Barangay Bacalan.
Nagpalipas ng gabi sina Alabog at Zona sa bahay ng kaibigan nilang si Sebastian Alocilja, nang magising sila ng bumubulusok na tubig pasado alas-2 ng madaling araw nitong Miyerkules. Naghahanda na silang tumakas nang sila ay tinangay.
Sinabi ni Dumlao na patuloy na binabantayan ng mga field office at quick response team ng DSWD ang sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng Crising.
“Naka-deploy po sila para ma-monitor yung sitwasyon, makipag-coordinate with the government units, at ma-provide natin ang kinakailangan pong tulong sa ating mga kababayan (They are deployed to monitor the situation, coordinate with government units, and provide the necessary assistance to our countrymen),” saad niya. RNT/MND