Home NATIONWIDE P4.2M rare agarwood nakumpiska sa NAIA

P4.2M rare agarwood nakumpiska sa NAIA

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P4.2 milyon halaga ng bihira at mataas na halaga ng “Agarwood” ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) makaraang magsagawa ng operasyon sa isang bodega sa Pasay City noong Nobyembre 6, 2024.

Ayon sa BOC, ang mga nasabing kontrabando ay idineklara bilang mahogany chips kung saan ipapadala sana ng isang indibidwal mula sa San Juan patungo sa Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Nabatid na nadiskubre ang mga mamahaling agarwood makaraang isailalim sa pisikal na pagsusuri ang kargamento na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa kabuuang 5.7 kilo ng bihirang agarwood na isa sa pinakamahala at mamahalin na kahoy sa buong mundo.

Dahil dito, ang mga nabanggit na kargamento ay lumabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), gayundin sa Forestry Reform Code of the Philippines (PD 705) at Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147).

Ang mga nakumpiskang agarwood ay ibibigay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang kustodiya nito.

“The Bureau of Customs continues its pursuit to strengthen the border security measures to and from the country, and we will be relentless against anyone who attempts to violate our customs laws,” giit ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio hinggil sa pangako ng ahensya sa pagsugpo sa ilegal na kalakalan. JAY Reyes