Home METRO P4.4M tobats, 4 baril nasamsam; 9 arestado sa drug ops

P4.4M tobats, 4 baril nasamsam; 9 arestado sa drug ops

LUCENA CITY- Mahigit P4.4 milyong halaga ng shabu at apat na baril ang nakumpiska sa siyam na suspek sa isinagawang anti-illegal drugs operations noong Miyerkules sa mga probinsya ng Cavite, Laguna at Rizal.

Base sa report ng PNP-Region 4A, nadakip ng mga tauhan ng Bacoor City Police drug enforcement unit sa Barangay Molino 4 bandang alas-3 ng madaling araw ang mga suspek na sina “Michael,” “Joedel,” “Matt,” “Reymart,” “John Paul,” at “Jerwin”.

Nakuha sa mga suspek ang anim na pakete na naglalaman ng 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000, .45 kalibre na baril na may anim na bala at .22 handgun na may isang bala.

Kinumpiska din ng mga awtoridad ang isang cellphone para siyasatin sa posibleng mga transaksyon ng mga ito sa kanilang ilegal na aktibidades.

Ang mga suspek ay nasa listahan ng police drug watchlist bilang HVIs o high-value individuals.

Sa Barangay Cuyab, San Pedro City, Laguna, naman nadakip ng mga operatiba ang isang “Ferdinand” bandang alas-12:16 ng madaling araw ang isa ring HVI.

Narekober kay Ferdinand ang isang pakete na naglalaman ng 108 gramo ng shabu at nagkakahalaga ng P734,400.

Sa probinsya naman ng Rizal, sa bayan ng Taytay, nahuli ang isang “Dan Jason” sa Barangay Sta. Ana dakong alas-9:20 ng gabi noong Martes.

Nakunan ito ng dalawang pakete na naglalaman ng shabu na may halagang P68,000 at caliber .357 revolver na may tatlong bala.

Sa barangay San Juan naman, dakong alas-11:40 ng gabi nang madakip ang isang HVI na si “Mohalidin” na may bitbit na 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000 caliber .38 revolver na may tatlong bala.

Inihahanda na ang kasong kriminal na isasampa laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico