MANILA, Philippines- Nakarating na sa bansa nitong Miyerkules ang ikalawang batch ng Filipino repatriates mula Myanmar na umano’y biktima ng human trafficking.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng alas-6 ng umaga ang eroplano lulan ang 176 repatriates.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), naglabas ng show cause order sa pitong empleyado na umano’y nauugnay sa pag-facilitate ng ‘illegal exit’ ng mga Pinoy sa backdoors ng bansa.
Nahaharap din ang mga empleyado sa preventive suspension.
Samantala, sinabi ng Department of Health (DOH) na ang mga medikal na pangangailangan ng mga indibidwal ay sinuri at sinusubaybayan habang sila ay dumaan sa standard procedures sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nagbigay ng medical at psychosocial support ang mga tauhan ng DOH mula sa San Lorenzo Ruiz General Hospital, Las PiƱas General Hospital, at National Center for Mental Health sa 176 na repatriates sa NAIA, ayon sa ahensya.
Tiniyak din ng Department of Justice (DOJ) na hindi maparurusahan ang mga repatriates kahit na sila ay sangkot sa mga scam hub o sila ay nag-overstay sa ibang bansa.
Ang unang batc na binubuo ng 30 Filipino repartees ay dumating noong Martes ng madaling araw sa Maynila matapos silang iligtas sa mga scam hub sa Myawaddy, Myanmar.
Bukod sa tulong pinansyal, magbibigay din ang DMW ng legal na tulong at mga programa sa reintegration para sa mga sinasabing biktima ng human trafficking.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), naging posible ang repatriation ng 206 Filipino matapos ang isang linggong shuttle visit ni DFA Migration Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa Myanmar at Thailand para sa koordinasyon sa mga awtoridad.
Ang mga umano’y biktima ng human trafficking ay tumawid mula Myawaddy, Myanmar patungong Mae Sot, Thailand, noong Marso 24 hanggang 25, at pinasakay ng bus nang walang anumang stopover sa paliparan sa Bangkok upang sumakay ng mga flight papuntang Manila. Jocelyn Tabangcura-Domenden