Home METRO P40-M tobats nasabat sa NAIA

P40-M tobats nasabat sa NAIA

182
0
(Jimmy Hao)

MANILA, Philippines – Dinakip ng mga operatiba ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang isang senior citizen na South African national matapos ang tangkang pagpupuslit sa bansa ng anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P40 milyon sa NAIA Terminal 3, Lunes ng umaga, Enero 26.

Base sa inisyal na ulat ng IADITG, naganap ang pagdakip sa suspek na nakilalang si alyas Ralph, 64, company driver, bandang alas 10:45 ng umaga sa Customs Exclusion Room, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.

(Jimmy Hao)

Ayon sa IADITG, si alyas Ralph ay bagong lapag na pasahero sa NAIA Terminal 3, lulan ng Cathay Pacific Airlines Flight CX 748 mula Johannesburg, South Africa, na mayroong connecting flight patungong Hong Kong sakay ng Cathay Pacific Airlines Flight CX 907.

Napag-alaman na may na-detect na kahina-hinalang bagay sa bitbit na kulay-itim na Power Up backpack ng suspek, kung kaya pinabuksan ito sa kanya kung saan tumambad sa mga operatiba ang tatlong transparent plastic bag na nakabalot ng carbon paper, naka-tape, at nakalagay sa loob ng isang improvised na kahon na gawa sa kahoy.

Sa patuloy na pagsusuri, umabot sa 6,006 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga operatiba sa suspek na may kabuuang halaga na P40,840,800.

Bukod pa sa ilegal na droga, nasamsam din sa suspek ang kanyang pasaporte; dalawang Cathay Pacific Airlines boarding pass; brown wallet na naglalaman ng National ID, Global One debit card; iba’t ibang uri ng foreign currencies; tickler notebook na may reward cards; isang kulay-itim na sling bag na naglalaman naman ng dalawang cellular phones; vaccination card; susi ng kwarto; powerbank na may charger; isang set ng wireless earbuds na may case; at duffle bag na naglalaman ng kanyang mga damit.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination habang ang suspek ay nasa kustodiya ng PDEA habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 4, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA IADITG ay binubuo ng mga ahensya ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here