MANILA, Philippines – Inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. na posible ang pag-depreciate ng piso hanggang P60 kada dolyar, ngunit iginiit niyang hindi ito malamang mangyari sa lalong madaling panahon.
Sa 2026 Annual Reception for the Banking Community sa Pasay, sinabi ni Remolona na hindi awtomatikong mag-iintervene ang central bank kahit pa maabot ng piso ang mga record lows kamakailan.
Aniya, nakadepende ang tugon ng BSP sa paraan ng pag-abot sa P60, kung mabilis o paunti-unti ang pagbaba ng halaga ng piso.
“Depende kung paano maging 60? How it gets there,” ani Remolona, at idinagdag, “Just because it’s 60 doesn’t mean we’ll defend it.”
Maaaring ipagtanggol ng BSP ang piso sa pamamagitan ng pagtaas ng interest rates o pagbenta ng foreign exchange reserves.
Naitala ang piso sa P59.46 noong nakaraang linggo at umabot sa intraday low na P59.50. Nagtapos ito sa P59.09 noong Biyernes at nagsimula sa P58.97 noong Lunes.
Ayon sa Malacañang, ayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umabot sa P60 ang piso dahil tataas ang utang ng bansa. Nagpahayag din ng pag-aalala ang pribadong sektor sa paghinang ng piso. Sinabi ni Hans Sy ng SM Prime na bagama’t tumaas ang retail sales dahil sa paghinang ng piso, maaaring maapektuhan ang ibang negosyo at ang ekonomiya.
“With the weakness of the peso, our sales in retail are actually improving. You can see the improvement. But on the other I’m a bit worried about the future–how much impact it will have on other businesses. Because if other businesses are affected, it’s not going to be good for the economy,” ani Sy.
Sinabi naman ni Alexander Lao, presidente ng Cebu Pacific, na isang malaking alalahanin ang paghinang ng piso dahil humigit-kumulang 70 porsiyento ng kanilang gastos ay nasa dolyar, at maaaring kailanganing baguhin ang presyo ng tiket kung magpapatuloy ang pagbaba ng piso. Dave Baluyot