Home HOME BANNER STORY P43/kilong bigas sa NCR mabibili sa sunod na linggo

P43/kilong bigas sa NCR mabibili sa sunod na linggo

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes na maaari nang makabili ang consumers sa Metro Manila ng karagdagang regular at well-milled rice na nagkakahalaga ng P43 kada kilo sa susunod na linggo kasunod ng mga pulong kasama ang local market association heads.

“Basically, we agreed na iyong kanilang kita dapat for regular and well-milled rice ay between PHP3 to PHP5,” pahayag ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa sa isang panayam.

Sa napagkasunduang margin profit, sinabi niya na ang presyo kada kilo ng regular at well-milled rice ay hindi dapat lumampas ng P45, dahil pumapalo ang wholesale prices mula P34 hanggang P38 mula sa importers at traders.

Base sa DA monitoring, ang umiiral na average price ng regular at well-milled rice sa National Capital Region (NCR) ay nananatili sa “unacceptable” level na P50 kada kilo.

“With this agreement, we’re hoping na ma-sustain na hindi lang siya piling (pamilihan). Kapag regular at well-milled, talagang hindi dapat tataas ng PHP45 sa pamilihan,” wika ni De Mesa.

Binanggit din niya ang mga planong direktang iugnay ang market heads sa importers o traders bilang kanilang suppliers, kasabay ng pinaigting na monitoring sa local markets upang maiwasan ang profiteering.

“Starting next week, part ng kasunduan is monitoring natin regularly. We are monitoring 30 markets NCR-wide from Monday to Saturday. Part ito ng monitoring natin at maghihigpit tayo,” dagdag ni De Mesa.

Nakatakdang inspeksyunin ng DA ang local markets sa Quezon City at Manila upang matiyak ang pagtalima sa kasunduan.

Bukod sa mas mababang presyo ng bigas, nilalayon din ng kasunduan na matiyak ang koordinasyon sa posibilidad ng pagtatatag ng Kadiwa sites sa mga piling pamilihan.

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa DA na palawigin ang pagbebenta ng P29 at Rice for All programs sa mas maraming Kadiwa ng Pangulo stores sa buong bansa. RNT/SA