MANILA, Philippines – Ipinatupad na ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes, Marso 31 ang P45 kada kilo na maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas.
Sa ulat, sinabi ng DA na ang bagong MSRP ay iiral sa susunod na dalawang buwan na mas mababa sa dating P49 kada kilo na presyo.
Sinabi rin ng DA na irerekomenda nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mas mataas na taripa sa bigas.
Samantala, dismayado naman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa hindi pagsunod ng ilang mga retailer sa MSRP sa presyo ng mga karneng baboy sa Metro Manila.
“I’m disappointed dahil may usapan. Dapat sundin ang usapan,” ani Laurel.
Idinagdag pa niya na walang dahilan para hindi sumunod sa MSRP.
Dahil dito ay pinag-aaralan ng ahensya ang paghahain ng reklamo laban sa mga mapatutunayang nagbebenta ng overpriced na mga karneng baboy.
“And that is already bordering on profiteering,” sinabi ni Laurel.
Hinala naman ng Farmers group Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na mayroong mga nananamantala sa presyo lalo’t may sapat naman na suplay ng mga karneng baboy.
“Yung iba kasi, yung sinasabi nila yung mga producers daw may mataas pang pagkuha,” ayon kay SINAG president Rodendo So. RNT/JGC