Home METRO P4M dried marijuana at kush nasamsam; 2 HVI arestado

P4M dried marijuana at kush nasamsam; 2 HVI arestado

MANILA, Philippines – HIGIT sa P4 milyon halaga ng dried marijuana at kush ang nasamsam mula sa dalawang naarestong High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, nakilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Lester”, 21, ng Sto Tomas Village 7 Ext. Deparo at alyas “Luigi” 27, ng Mentors Village Subdivision.

Batay sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ni P/Lt. Restie Mables, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police, katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station 10, naaresto ang mga suspek nang matiyak na sangkot ang mga ito sa umanoy illegal drug activities.

At habang nagaganap ang transaksyon ng dakong ala-1:35 ng madaling araw sa Blk. 2,ot 29 Mentors Village Subj, Brgy 175 sa pagitan ng mga suspek at ng pulis na nagpanggap na buyer, inaresto ang una habang tinatanggap ang P13,500 marked money kapalit ng isang bloke ng high grade marijuana o kush.

Humigi’t kumulang sa 36,530 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P4,383,600.00 at 50 gramo ng high grade marijuana (kush) na nagkakahalaga ng P75,000.00 ang nasamsam mula sa mga suspek.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang Caloocan police sa kanilang matagumpay na operation.

“Ang kampanya ng NPD laban sa ilegal na droga ay nananatiling matatag. Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon namin sa pagsugpo sa mga ilegal na gawain para sa kaligtasan ng ating mga komunidad.”

Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 at Sec 26 Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 ang mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang dalawang arestado. Merly Duero