MANILA, Philippines – Sinabi ng special disbursement officer ng Department of Education sa ilalim ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, Nobyembre 25 sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na naglalabas ito ng P4 milyon hanggang P6 milyon ng confidential funds linggo-linggo para ibigay sa “security officer” sa Vice Presidential Security and Protection Group.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kamara kaugnay sa paggamit ng confidential funds sa ilalim ng OVP at DepEd, sinabi ni Edward Fajarda na noong 2023 ay gumamit ang DepEd ng P112.5 milyong halaga ng confidential funds.
Aniya, nagwi-withdraw siya ng P37.5 milyon mula sa isang branch ng Land Bank of the Philippines sa DepEd at iri-release ito linggo-linggo kay
Colonel Dennis Nolasco.
Si Nolasco, aniya, ay isang security officer na inilagay ng isang “Colonel Lachica” ng Vice Presidential Security Group.
“Sa security officer lang po ako nagdi-disburse niyan. Wala na pong iba. Hindi po ‘yan buong P37.5 million na ibibigay sa kanya. Mostly weekly po yan. Weekly po. Nagre-range po sa P4 million to P6 million weekly,” ani Fajarda.
Nang tanungin kung paano ginagastos ang confidential fund, sinabi ni Fajarda na si Nolasco ang nagdi-disburse ng confidential funds.
“Hindi po kasi ako ang expert dyan. Si Colonel Nolasco po. Siya po kasi ang gumawa niyan. Siya po kasi ang gumawa niyan,” sinabi pa ni Fajarda.
Samantala, tinanong ni 1-Rider party-list Representative Rodge Gutierrez ang auditor mula sa Commission on Audit kung tama bang sabihin na ang special disbursement officer ay maaaring hindi gawin ang kanyang tungkulin sa pagdi-disburse ng public funds batay sa Presidential Decree 1445.
Sagot ni State auditor Gloria Camora, “Yes po, Mr. Chair, since siya naman po ‘yung nakapirma sa certification.”
Sa kaparehong araw, sinabi naman ni OVP Special Disbursement Officer Gina Acosta na wala siyang kinalaman sa 700 acknowledgement receipts ng P125 milyong confidential fund disbursement noong 2022.
Pinirmahan ito ng walang kaukulang signatories dahil itinurn-over umano ang kabuuang halaga nito sa isang “Colonel Lachica” ng Vice Presidential Security and Protection Group batay sa instruction ng Bise Presidente. RNT/JGC