MANILA, Philippines – Naharang ng mga awtoridad ang dalawang package mula sa ibang bansa na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P5.6 milyon sa isang courier warehouse sa Pampanga, kasunod ng operasyon ng Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID).
Isinagawa ang operasyon noong Abril 24 sa isang courier warehouse sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat City. Kabilang sa mga lumahok ang National Bureau of Investigation (NBI)–Pampanga District Office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), at Philippine National Police.
Ayon sa pahayag ng NBI nitong Miyerkules, ang unang package na idineklarang “1 X File with Documents” ay nagmula sa Bulawayo, Zimbabwe at nakatakdang ipadala sa isang simbahan sa Silang, Cavite. Ngunit nang inspeksyunin ito, natuklasan ang dalawang sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu.
Aabot sa 710 gramo ang bigat ng nasabing droga at tinatayang may halagang higit P4.83 milyon.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang ikalawang package na idineklarang “CEACO Puzzles 500 pieces 4 included Food Trucks.” Sa loob nito ay may natagpuang plastic package na hinihinalang naglalaman ng kush, isang uri ng cannabis.
Ang nasabing item ay may bigat na 540 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P810,000.
Batay sa records, ang ikalawang parcel ay nagmula sa isang residential address sa Costa Mesa, Orange County, California, United States, at nakatakdang ipadala sa isang condominium sa Pasig City.
Ipinasa ang mga nakumpiskang items sa Bureau of Customs para sa karagdagang pagsusuri at koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Giit ng NBI, ang pag-angkat, paghahatid, at distribusyon ng ilegal na droga ay may katapat na parusa sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Dave Baluyot