Home NATIONWIDE P50K ayuda sa bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa M7.8...

P50K ayuda sa bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa M7.8 lindol sa Mindanao, inilaan ni PBBM

5
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatatanggap ng tig-P50,000 ayuda ang bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa General Santos City noong Hunyo 10 upang suriin ang sitwasyon matapos ang lindol na kumitil ng 45 buhay ayon sa ulat na tinukoy sa kanyang pagbisita.

Maglalaan din ang pamahalaan ng P100 milyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) para sa pagkukumpuni ng city hall ng General Santos City. Magpapalabas din ang Department of Budget and Management ng pondo para sa pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura sa Sarangani at South Cotabato.

Kabilang sa mga napinsala ang General Santos High School, na sasailalim sa pagsusuri ng mga inhinyero upang malaman kung alin pang bahagi ang ligtas gamitin at alin ang kailangang gibain o itayong muli.

Ayon kay Marcos, naibalik na ang humigit-kumulang 85% ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar. Gayunman, may ilang lugar pa ring hindi naaabot dahil sa mga sirang kalsada at landslide kaya hindi pa maayos ang mga linya ng kuryente at ilang planta.

Sinabi rin ng Pangulo na nakapaghatid na ang Armed Forces of the Philippines ng pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga lugar tulad ng Glan na hindi pa madaanan ng mga sasakyan.

Naibalik na rin ang komunikasyon sa karamihan ng lugar, habang patuloy na inaayos ang suplay ng tubig sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.

Nanawagan din si Marcos sa mga guro na bantayan ang kalagayan ng mga estudyante dahil maaaring nagdulot ng trauma ang lindol. Aniya, may programa ang Department of Health para sa mental health support, at sasailalim din sa pagsasanay ang mga guro upang matulungan ang mga batang naapektuhan.

Tiniyak din ng Pangulo ang tulong para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga negosyo matapos ang lindol. Maaari silang makatanggap ng suporta mula sa mga programa ng DSWD at DOLE, kabilang ang TUPAD at AICS.

Samantala, hinikayat ang mga pamilyang nasiraan ng bahay na makipag-ugnayan sa National Housing Authority upang makatanggap ng tulong sa pabahay.

Patuloy naman ang pagsisikap ng pamahalaan na mabuksan ang lahat ng kalsada upang mapabilis ang paghahatid ng ayuda at pagkukumpuni ng mga serbisyong naapektuhan ng sakuna. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here