MANILA, Philippines- Iminungkahi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang ilang reporma kay incoming Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, kabilang ang pagtataas sa entry-level pay ng mga guro sa P50,000 at pagbabago sa K to 12 program.
Sinabi ni ACT Philippines Secretary-General Raymond Basilio noong nakaraang linggo na nais ng kanyang grupo na isulong ang dayalogo kay Angara upang talakayin ang mga isyu sa basic education system ng bansa.
Aniya, “game-changing measures are urgently needed to overturn the decline of our country’s education quality.”
Binanggit ni Basilio ang ilang pangunahing puntos na aniya’y dapat gawing prayoridad ni Angara sa pag-upo niya sa departamento ngayong buwan.
Iminungkahi ni Basilio ang dagdag-sahod para sa mga guro, iginiit na dapat makatanggap ang entry-level teachers ng buwanang sahod na P50,000 habang dapat namang makatanggap ang Salary Grade I employees ng P30,000 kada buwan.
Sa kasalukuyan, ang entry-level public school teachers ay nakatatanggap ng P27,000 na buwanang sahod.
Hinikayat din niya ang opisyal na suportahan ang “call to set minimum salary standards for private school teachers, at par with those in public schools.”
Giit ni Basilio, dapat isama sa overhaul ng K to 12 curriculum ang pagkakaroon ng development ng isang “culturally appropriate national assessment test” sa halip na umasa sa assessments na isinasagawa ng Programme for International Student Assessment (PISA).
Ito ay upang matukoy umano ang lawak ng learning crisis,” sa edukasyon sa bansa.
Bukod dito, inihirit ni Basilio kay Angara na mag-hire ng sapat na education support personnel upang bawasan ang “burdensome administrative duties” ng mga guro.
Ipinanawagan din nito ang proteksyon ng academic freedom ng mga guro at itinulak ang “full union rights” para sa lahat ng education workers.
“We look forward to engaging in meaningful dialogues and consultations with you, as we share a common goal of advancing our education sector,” wika niya. RNT/SA