Home HOME BANNER STORY P524M iligal na agri products nabuking sa Valenzuela; 41K sako ng sibuyas...

P524M iligal na agri products nabuking sa Valenzuela; 41K sako ng sibuyas sinita

13
0
Nagsasagawa ng inspeksyon ang Bureau of Customs sa mga pinaghihinalaang smuggled agricultural products na tinatayang halaga na ₱524 million sa isang Warehouse sa Valenzuela City. Kabilang dito ang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P372.3 milyon. JOJO RABULAN

VALENZUELA CITY — Nasa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC) ang daan-daang libong sako ng mga produktong agrikultural na nagkakahalaga ng ₱524.27 milyon matapos madiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City ang mga kargamentong posibleng ipinasok sa bansa nang walang kaukulang dokumento.

Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ang tinatayang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng ₱372.3 milyon, bukod pa sa beans, legumes, luya at carrots.

Ayon sa BOC, umabot sa 41,033 sako ng pulang sibuyas ang unang natukoy na hindi maitugma sa mga isinumiteng import documents, dahilan upang isailalim sa masusing imbestigasyon ang mga produktong nakaimbak sa bodega.

Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang BOC-Manila International Container Port (MICP) noong Nobyembre 9 matapos makitaan ng mga iregularidad ang inventory at mga dokumentong iniharap ng warehouse representatives.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Oktubre 7 hinggil sa posibleng pag-iimbak ng mga produktong agrikultural na lumalabag sa customs regulations.

Sa isinagawang imbentaryo noong Oktubre 17, nabilang ang 20,886 sako ng beans at legumes na nagkakahalaga ng ₱103.7 milyon at 18,016 kahon ng luya at carrots na nagkakahalaga ng ₱26 milyon.

Nadiskubre rin ang peanut products, textured vegetable protein, laundry bluing powder, packaging materials at apat na forklift. Kabuuang ₱524,274,355 ang tinatayang halaga ng lahat ng produktong natagpuan.

Batay sa markings sa mga pakete, ilan sa mga produkto ay nagmula sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar at Egypt. Gayunman, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilang iba pang produkto.

Katuwang ng BOC sa imbestigasyon ang NBI, Department of Agriculture (DA), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Plant Industry (BPI). Sinusuri rin ang mga sertipikong isinumite ng warehouse representatives upang matiyak kung lehitimo ang mga ito.

Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang posibleng paglabag sa Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024, partikular ang ilegal na pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi sapat ang simpleng pagpapakita ng mga dokumento kung hindi mapatutunayan ang legal na pinagmulan ng mga produkto, pagbabayad ng kaukulang buwis at pagkakaroon ng mga kinakailangang permit.

Nananatiling nasa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng Customs ang mga produkto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here