MANILA, Philippines – Nasamsam ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 11 unit ng hinihinalang iligal na pinutol na kahoy sa pinagsamang operasyon sa Sibuyan Island ng Romblon nitong Linggo, Agosto 30.
Inilunsad ng mga otoridad ang operasyon matapos makatanggap ng ulat alas-7:50 ng umaga tungkol sa illegally sourced round logs na nasa humigit-kumulang 150 metro mula sa national road sa Sitio Bato.
Natagpuan ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station sa Cajidiocan at DENR Sibuyan Sub-Station ang 11 piraso ng Tiga o kilala bilang Mangkono o Philippine Ironwood sa Sitio Kaguyangan sa Barangay Taclobo, bayan ng San Fernando.
Bawat troso ay may sukat na humigit-kumulang 25 pulgada ang lapad at 107 sentimetro ang haba.
Tinatayang nasa P55,000 ang halaga ng mga nakumpiskang kahoy.
Ayon sa awtoridad, inabandona ang mga troso.
Ang mga nakumpiskang troso ay dinala sa DENR impounding area sa Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon, para sa pag-iingat at tamang disposisyon.
Binibigyang-diin ng magkasanib na operasyon ang patuloy na pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno na pigilan ang iligal na pagtotroso at protektahan ang mga yamang kagubatan ng Isla ng Sibuyan. Jocelyn Tabangcura-Domenden






