MANILA, Philippines – ITINUTURING ng National Capital Region Police Office na naging daan sa matagumpay na operasyon ng pulisya ang “AAA” program na inilunsad mula nang maupong Acting Regional Director ng NCRPO si PBGen. Anthony A. Aberin noong Oktubre 23.
Naging malaking pagbabago sa kapayapaan at seguridad ang programang AAA kung saan ang konsepto nito ay paglingon sa “back to basics” sa pagsugpo at paglutas ng krimen.
Sa programa, prayoridad ang walang humpay, agresibo at makataong kampanya laban sa iligal na droga, wanted sa batas, hindi lisensiyadong baril, iligal na sugar at mga simpleng krimen.
Sa usapin ng droga, mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 15, umabot sa 889 drug suspects ang naaresto sa isinagawang 589 drug operations kung saan umabot sa P59 milyong halaga ng droga ang nakumpiska.
Umabot naman sa 1,111 katao ang naaresto sa bisa ng warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte ng bansa. 498 sa mga naaresto ay pawang tinaguriang most wanted.
Naaresto ng mga tauhan ng NCRPO ang 154 suspek na nakumpiskahan ng 166 hindi lisensiyadong baril habang sa pinakahuling operasyon ng Regional Special Operations Group ay nagresulta sa pagkakumpsika ng matataas na kalibre ng baril at naaresto rin ang mga manufacturer at retailer ng mga nasabing baril.
Samantalang sa iligal na sugar, 1,886 katao ang naaresto kung saan P357,865 halaga ang nakumpiska bilang ebidensiya.
Tuloy-tuloy ang operasyon ng NCRPO sa ilalim ng mga programang ipinatutupad kasama ang mga lokal na ordinansa sa Kamaynilaan kung saan umabot sa 127,242 katao ang naaresto dahil sa paglabag.
Mas bumaba, ayon sa NCRPO, ang bilang ng krimen nang maitalaga si Aberin sa posisyon at mailumsad ang “AAA” scheme.