Home NATIONWIDE P5M expired food items nasamsam sa warehouse sa Tarlac

P5M expired food items nasamsam sa warehouse sa Tarlac

MANILA, Philippines – Hinalughog ng NBI-Tarlac District Office ang isang bodega ng mga tampered na mga produkto sa Capas, Tarlac.

Sa ulat, ang bodega ay nag-iimbak ng mga expired grocery items at pinapalitan ang petsa para maibenta sa mga sari-sari store sa nasabing lalawigan.

Isang informant umano ang nagsumbong sa NBI sa ilegal na gawain sa bodega.

“Informing us that some grocery items, particularly milk products at saka noodles and chocolates, were expired and were mislabeled and sold for public consumption,” sinabi ni NBI head agent Johnny Logrono.

Sa bisa ng search warrant, tumambad sa mga operatiba ang kahon-kahong expired na produkto kabilang ang mga gatas, noodles, mayonnaise, at chocolate.

Ilang mga produkto ay may expiry pa na 2023 at ito ay ibinabagsak sa ibat-ibang pamilihan sa mas murang halaga.

Sa bodega umano isinasagawa ang re-label at binubura ang mga expiry date na hindi batid sa kaalaman ng mga konsyumer na expired na ang kanilang nakakaing produkto.

Ayon sa NBI, tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng mga nasabat na expired items na hindi ligtas kainin at maaaring magdulot ng food poisoning, diarrhea, o maaring mauwi sa mas malalang sitwasyon.

Hindi naabutan ng NBI ang may-ari ng bodega nang salakayin ang bodega, gayunman ay sasampahan pa rin siya ng reklamong paglabag sa The Consumer Act at Food and Drug Administration Act.

Paalala ng NBI sa publiko, suriing mabuti ang expiration date ng mga special milk products at iba pang grocery items. Jocelyn Tabangcura-Domenden