MANILA, Philippines – Nasamsam ng Bureau of Internal Revenue at Philippine National Police ang 17 master cases ng smuggled at untaxed cigarettes sa magkasanib na operasyon sa Purok 1, Barangay Poblacion, Governor Generoso, Davao Oriental.
Tinatayang aabot sa P6,575,831 ang excise tax liabilities ng mga nakumpiskang sigarilyo, na unang inilagay sa kustodiya ng pulisya bago inilipat sa BIR para sa inspeksiyon at tax assessment.
Naglabas sina Revenue Region 19 officer-in-charge Regional Director Narciso Laguerta at OIC Assistant Regional Director Aileen Punzalan ng mission order na nag-atas sa mga revenue officer ng Revenue District Office 114–Davao Oriental na agad magsagawa ng imbentaryo at beripikasyon.
Pinangunahan nina OIC Revenue District Officer Ellen Tampus at Assistant Revenue District Officer Irene Balleque ang mga nasabing proseso.
Ayon sa BIR, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya sa buong bansa laban sa ilegal na kalakalan at transportasyon ng mga produktong tabako na hindi nabuwisan.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng paglabag sa Sections 236 at 145 ng amended National Internal Revenue Code of 1997, Revenue Regulations No. 3-2006 hinggil sa brand registration, at Revenue Regulations No. 7-2014 tungkol sa pagkakabit ng internal revenue stamps.
Sinabi ng BIR na nakapipinsala sa mga lehitimong negosyo at mamimili ang ilegal na produktong tabako at ipinagkakait nito sa pamahalaan ang nararapat na kita.
Inihahanda na ang mga kasong legal at administratibo laban sa mga responsable sa pag-iingat at pagbiyahe ng mga kontrabando. Mary Anne Sapico