Home METRO Taiwanese, habambuhay kulong sa 71 kilo ng shabu

Taiwanese, habambuhay kulong sa 71 kilo ng shabu

1
0

MANILA, Philippines – Hinatulan ng Regional Trial Court Branch 255 ng Las Piñas City ng habambuhay na pagkakabilanggo ang isang Taiwanese national matapos mapatunayang nagkasala sa ilegal na pag-iingat ng mahigit 71 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Sa desisyong inilabas noong Hunyo 16, 2026, hinatulan si Chen Te Ho Chang, na kilala rin bilang “Tanda” at “Te Ho Chen,” dahil sa paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended.

Bukod sa habambuhay na pagkakakulong, pinagmulta rin ng korte si Chen ng ₱2 milyon.

Nag-ugat ang kaso sa pagpapatupad ng search warrant noong Hunyo 13, 2017 sa isang bodega na inuupahan ng akusado sa BF Martinville Subdivision, Manuyo, Las Piñas City.

Nasamsam sa magkasanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office III at Philippine National Police Special Operations Unit 3 Drug Enforcement Group ang 71.2059 kilo ng shabu na nakatago sa loob ng pasilidad.

Bago salakayin ang bodega, naaresto si Chen sa interdiction operation ng PDEA at PNP sa isang hotel sa Parañaque City noong Hunyo 3, 2017. Narekober sa operasyon ang tinatayang ₱250 milyong halaga ng shabu.

Sinabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez na patunay ang hatol sa determinasyon ng pamahalaan na matiyak na humahantong sa matagumpay na pag-uusig ang malalaking kaso ng ilegal na droga.

“Pinatutunayan ng hatol na ito na ang kampanya laban sa ilegal na droga ay higit pa sa mga pag-aresto at pagsamsam. Nanatili matatag sa pagbuo ng matibay na mga kaso na makakayanan ang masusing pagsisiyasat ng hukuman at titiyakin na ang mga nagpapakalat ng droga ay mahahatulan at mapaparusahan sa pinakamataas na saklaw ng batas. Pinakamabuting maibigay ang hustisya kapag ang mga responsable ay ganap na mapapanagot”, sabi PDEA Dir. Gen. Isagani Perez

Nagbabala rin ang PDEA chief na patuloy na ginagamit ng mga transnational drug syndicate ang mga inuupahang bodega at storage facility upang itago ang malalaking bulto ng ilegal na droga bago ipamahagi.

Tiniyak niyang ipagpapatuloy ng PDEA ang pagtugis sa lahat ng sangkot sa illegal drug supply chain, kabilang ang mga financier, logistics operator, warehouse tenant, distributor, dealer at street-level seller. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here