Home METRO 3 suspek sa American marine biologist slay, ‘sabog’

3 suspek sa American marine biologist slay, ‘sabog’

4
0

MANILA, Philippines – Nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang tatlong suspek na kinasuhan ng robbery with homicide kaugnay ng pamamaril at pagpatay kay American marine biologist Dr. Kent Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental, ayon sa pulisya.

Kinilala lamang ni Negros Oriental Police Provincial Office spokesperson Capt. Stephen Jaynard Polinar ang mga suspek sa mga alyas na M.O., J.F. at C.D.

“The first two suspects were arrested after the crime was committed, while the third voluntarily surrendered to authorities later,” sinabi ni Polinar sa isang virtual press briefing.

Ayon sa pulisya, isasama sa mga ebidensiya sa naisampa nang kaso ang resulta ng drug test ng mga suspek. Hindi naman sinabi ni Polinar kung sasampahan din sila ng hiwalay na kaso dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Natukoy na rin ng mga awtoridad ang ikaanim na person of interest matapos itong pangalanan ng ibang mga suspek. Hindi pa matukoy ang naging papel nito sa krimen.

Naisampa na sa korte ng Provincial Prosecutor’s Office ang kaso kaya tumanggi ang pulisya na magbigay ng iba pang detalyeng maaaring makaapekto sa paglilitis.

Nilinaw din ni Polinar na hindi kabilang sa mga suspek ang kapatid na lalaki ng Filipina live-in partner ni Carpenter.

Batay sa imbestigasyon at security camera footage, limang suspek ang nasa bahay ni Carpenter sa Barangay Ajong nang mangyari ang pag-atake noong Hulyo 12. Tatlo umano ang pumasok sa bahay habang nagsilbing lookout sa labas ang dalawa.

Kalaunan, sinabi ng isa sa mga suspek na may ikaanim pa silang kasamahan, ngunit hindi pa matukoy ang naging papel nito.

Na-cremate na ang labi ng 73-anyos na siyentista at dadalhin sa Silliman University Church para sa necrological service.

Nagsilbi si Carpenter bilang adjunct professor sa Silliman University Institute of Environmental and Marine Sciences at research affiliate ng Angelo King Center for Research and Environmental Management.

Malaki ang naging ambag ng kilalang marine scientist sa pag-aaral ng biodiversity sa karagatan ng Pilipinas. Natukoy sa kanyang pananaliksik ang central Philippines, partikular ang Verde Island Passage, bilang pandaigdigang “Center of the Center” ng marine shore fish diversity. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here