MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House appropriations panel nitong Martes ang panukalang ₱6.7-trilyong pambansang badyet para sa 2026 sa ilalim ng House Bill 4058, na may 54 boto pabor, anim kontra, at apat na abstain.
Mula sa ₱255 bilyong pondo na nakalaan sa flood control projects, muling inilaan ito para pondohan ang iba’t ibang programa ng ahensya, kabilang ang ₱60-bilyong subsidy para sa PhilHealth at mas malaking pondo para sa social services.
Kabilang sa mga pangunahing alokasyon: ₱32.6 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations, ₱26.7 bilyon para sa medical aid sa indigent patients, ₱14.8 bilyon para sa TUPAD, ₱8.9 bilyon para sa farm-to-market roads, ₱7 bilyon para sa ayuda sa magsasaka at mangingisda, at ₱6.6 bilyon para sa tertiary education subsidies.
Kasama rin sa alokasyon ang pondo para sa irigasyon, fish ports, post-harvest facilities, broadband at cybersecurity programs, pagtatapos ng mga ospital, at mga suportang pang-agrikultura gaya ng coconut planting at sugar production.
Ayon kay panel chair Rep. Mikaela Suansing, nakabatay ang realignment sa hiling ng mga implementing agencies, hindi ng mga mambabatas.
“These allocations reflect not only the priorities of the government but also the aspirations of our people… Our task ahead is to ensure that every peso appropriated is invested where it matters most—uplifting lives, protecting communities, and securing our nation’s future,” aniya. RNT