MANILA, Philippines – Itinanggi nina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Ako Bicol Rep. Zaldy Co nitong Martes ang paratang ng sinibak na DPWH engineer na si Henry Alcantara na nakatanggap sila ng kickbacks mula sa flood control projects.
Ayon kay Villanueva, handa siyang imbestigahan at iginiit na “wala siyang itinatago.”
“Mister President, ano po ito? Masabi lang ang pangalan natin at idadawit sa flood control issue, kahit ang mismong testigo na ang nagsabi na wala akong alam? Mema lang? May masabi,” giit ni Villanueva.
“I am ready, Mr. President, and my office is ready, to be investigated so that the truth may come out. At katulad ng pagdalo ko kanina sa ICI (Independent Commission for Infrastructure), nakahanda rin po ako na bigyang linaw ang mga bagay na ito sa anumang forum o lugar at patunayan na mali, malisyoso, at pawang kasinungalingan lamang ang mga pinupukol sa aking pangalan,” aniya pa.
Mariin ding itinanggi ni Estrada ang nasabing akusasyon.
“Ginoong Pangulo, hindi ako tutol sa isinasagawang pagdinig ng blue ribbon committee. Ngunit hindi ko pahihintulutan na ang kasalukuyang issue ay gamiting upang idikit muli sa akin ang mga maling paratang at sadyang impluwensyahan ang opinyon ng publiko,” anang senador.
“I will not allow discredited narratives to be weaponized for political grandstanding. I will not allow my honor—hard-earned and vindicated by the courts—to be sullied by careless remarks,” giit pa ni Jinggoy.
Mariin ding itinanggi ni Revilla ang akusasyon: “I have nothing to do with any of that.” Ganito rin ang pahayag ni Co na tinawag na “false and baseless” ang paratang, at iginiit na sasagot siya sa tamang forum.
“The allegations made against me during today’s Senate hearing are false and baseless. I reserve my right to respond to these allegations at the proper time before the proper forum,” ayon naman kay Co.
Sinabi ni Alcantara na nakipagsabwatan siya kay DPWH Undersecretary Roberto Bernardo upang ilaan ang bilyong pisong proyekto sa Bulacan mula 2022 hanggang 2024, karamihan ay galing umano sa unprogrammed funds. RNT