MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P63 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) mula sa isang Zambian sa NAIA Terminal 3.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na ang dayuhan ay nahuli dahil sa possession ng 9 kilo ng shabu noong Disyembre 17.
Nabatid na nadiskubre ang dalawang vacuum-sealed translucent plastic bag ng shabu sa loob ng itim na maleta ng dayuhan, na nilagyan din ng sari-saring damit.
Ang Zambian at ang mga nasabat na kontrabando ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at patuloy ang imbestigasyon para sa mga paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). JR Reyes