Home NATIONWIDE Mga bawal na gamit sa paliparan, alamin

Mga bawal na gamit sa paliparan, alamin

PINAALALAHANAN ng Office for Transportation Security (OTS) ang publiko na maging maingat at iwasang dalhin ang mga gamit na ipinagbabawal na dalhin sa mga paliparan bunsod na din sa inaasahang mataas na bulto ng mga pasahero ngayong holiday season.

Nabatid kay OTS Administrator Crizaldo Nieves, kabilang sa mga ipinagbabawal na dalhin sa mga paliparan ay baril, mga bala, matutulis at matatalim na bagay, mga kemikal, at iba pang toxic substances.

Dagdag pa, ang parehong papasok at papalabas na mga pasahero ay pinapayagan lamang na magdala sa loob at labas ng bansa ng maximum na USD10,000. Para sa pera ng Pilipinas, ang mga tao ay maaaring magdala o maglabas ng halagang hindi hihigit sa P50,000.

Umapela naman si Nieves sa mga pasahero na makipag-kooperasyon at unawain nila ang mga proseso ng seguridad.

Inatasan din niya ang mga pambansang auditor sa civil aviation na magsagawa ng mga inspeksyon at subaybayan ang naaangkop na pagpapatupad ng mga plano at programa ng seguridad ng mga stakeholder.

Inatasan naman ang mga tauhan ng OTS na magsagawa ng mga pagsusuri sa posibleng pagbabanta at tiyakin ang 24/7 na operasyon ng Transport Security Operations Center.

Nauna nang sinabi ni Nieves na 100 pang screening officer ang mamamahala sa Ninoy Aquino International Airport ngayong buwan, para dagdagan ang 1,032 OTS personnel na namamahala sa pangunahing gateway ng bansa simula Nob. 30. JR Reyes