MANILA, Philippines – Dalawang babae na online seller ang naaresto at nasa listahan ng High Value Individual makaraan ang isinagawang buybust operation sa Brgy Balsahan, Naic, Cavite.
Ayon sa report ng pulisya, front umano ng dalawang suspek ang pagiging online seller upang makapagbenta at makapag-alok ng droga sa mga nagiging katransaksyon nito.
Sa ulat, kinilala ang mga suspek na sina alyas Grace, 32-anyos at alyas Kyla, 35-anyos, kapwa online seller at nasa listahan ng High Value Target ng pulisya.
Base sa impormasyong nakalap, dakong alas-11:03 ng gabi nang magsagawa ng buybust operation sa nasabing lugar na target ang dalawang suspek mula sa operatiba ng PDEA Cavite Provincial Office at Cavite Maritime Police Group.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit kumulang na 100 gramo ng shabu na aabot sa halagang P680,000.00.
Narekober mula sa mga ito ang buy-bust money at isang timbangan.
Sinmpahan na ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) Article II ng Republic Act 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. MARGIE BAUTISTA