MANILA, Philippines – Arestado ang isang pasaherong Koreano sa isinagawang interdiction operation ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) matapos makuhanan ng 1,430 gramo ng hinihinalang ketamine Linggo ng gabi, Hunyo 22.
Kinilala ang suspek na si Han Hogeun, 39 anyos, South Korean national, residente ng 29-9, Buil-ro, 113 Beon-gil, Bupyeong, Incheon, South Korea.
Batay sa ulat ng NAIA-IADITG, inaresto si Han bandang 6:20 ng gabi sa Final Security Screening Checkpoint 3, Domestic Departure Area, NAIA Terminal 2, Pasay City.
Ayon sa imbestigasyon, pasahero si Han sa Air Asia Flight Z2 771 papuntang Cebu. Nang dumaan siya sa Final Security Screening Checkpoint, natagpuan sa loob ng kanyang backpack ang isang transparent plastic bag na nakabalot sa aluminum foil na naglalaman ng 1,430 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P7,150,000.
Bukod sa ilegal na droga, nasamsam din mula sa suspek ang isang bundle ng assorted toiletries/skin care, isang bundle ng banana chips at dried mangoes, Korean passport at boarding pass, isang Samsung cellphone, at limang iba’t ibang uri ng bank cards.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination. Nahaharap naman ang suspek sa kasong paglabag sa Section 26 (Attempt to Transport Dangerous Drugs) kaugnay ng Section 5, Art. II ng Republic Act 9165 sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga kinatawan mula sa PDEA Region NCR, Bureau of Customs-Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan / Larawan ni Jimmy Hao)