Home METRO Kelot sinilaban sa selos, isa pang babae nadamay sa Taguig

Kelot sinilaban sa selos, isa pang babae nadamay sa Taguig

MANILA, Philippines – Matinding selos ang diumano’y naging dahilan kung bakit sinabuyan ng gasolina at sinilaban ng isang lalaki ang kanyang pinagseselosan, kung saan nadamay pa ang isang babae habang naglalaba malapit sa pinangyarihan sa Taguig City, ayon sa ulat nitong Lunes, Hunyo 23.

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ang 28-anyos na biktima na nagtamo ng third-degree burns sa buong katawan habang ang isang alyas Geslie, na naglalaba sa harap ng lugar, ay nagtamo naman ng first-degree burns sa kanyang kanang hita at binti.

Ayon sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, makikita sa CCTV footage na normal ang takbo ng mga pangyayari sa eskinita sa Barangay Pitogo nang dumating ang suspek na nakasuot ng itim na t-shirt.

Pagdating ng suspek sa harap ng biktima na nakaupo at abala sa paggamit ng cellphone, sinabuyan niya ito ng gasolina na nakalagay sa plastik at sinabi pa, “Ito ang regalo ko sa’yo,” bago sindihan ang apoy. Bigla namang sumiklab ang apoy.

Makikita sa video ang mabilis na pagtakas ng suspek habang nasusunog pa ang kanyang katawan. Agad namang nagpulasan ang mga tao sa lugar upang apulahin ang apoy.

Nanlumo at umiiyak ang ina ng biktima habang humihingi ng hustisya para sa kanyang anak na naghihirap.

Ayon naman kay alyas Geslie, mabuti na lamang at naglalaba siya nang masunog ang kanyang kanang hita at binti, kaya ginamit niya ang kanyang basang damit upang mapatay ang apoy.

Sinabi ni Barangay Pitogo Chairman Ives Ebrada na nagkaroon na ng pag-uusap ang magkabilang panig sa barangay kung saan humingi ng tawad ang suspek.

Dagdag pa ni Ebrada, dati nang naharap sa barangay ang suspek dahil sa reklamo ng pambubugbog at verbal abuse, kaya naman nag-isyu na sila ng Barangay Protection Order laban sa kanya.

Nagdulot ng takot ang insidente sa mga residente, na nangangamba kung kayang magsunog ng tao ang suspek, ano pa kaya kapag nagsaboy ito ng gasolina sa isang bahay na maaaring magdulot ng malawakang sunog.

Inihayag ni Ebrada na nagtalaga na siya ng mga tanod sa magkabilang dulo ng eskinita upang bantayan ang lugar sakaling bumalik ang suspek, na kasalukuyang tinutugis na ng Taguig City Police. James I. Catapusan