MANILA, Philippines – Pinalawak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang mga benefit package para sa hemodialysis, peritoneal dialysis, kidney transplant, at maging sa emergency outpatient care.
Ayon kay Dr. Israel Francis Vargas, Senior Vice President ng Health Finance Policy Sector ng PhilHealth, ang hakbang na ito ay tugon sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong dumaranas ng end-stage renal disease.
Upang matugunan ang krisis sa kalusugan, itinaas ng PhilHealth ang taunang saklaw ng hemodialysis mula 90 hanggang 156 session—alinsunod na ngayon sa pamantayan ng tatlong dialysis session kada linggo. Ang halaga ng benepisyo kada sesyon ay tumaas din mula ₱2,600 hanggang ₱6,350.
Pinalawak rin ang benepisyo para sa peritoneal dialysis—isang at-home alternative na gumagamit ng catheter—na ngayon ay may taunang coverage na ₱500,000 para sa mga nasa hustong gulang at hanggang ₱1.2 milyon para sa mga bata.
Sa unang kalahati pa lamang ng 2025, nakapagtala na ang PhilHealth ng ₱27 bilyon na bayad para sa mahigit 2 milyong hemodialysis claims—halos katumbas ng ₱28 bilyon na kabuuang binayaran nito para sa buong 2024. Samantala, ₱121 milyon na ang ibinayad ng ahensiya para sa 14,000 peritoneal dialysis claims sa ngayon.
Pinalawak din ng ahensiya ang Z-Benefit Package nito para sa kidney transplantation. Mula sa dating ₱600,000, tumaas ang coverage sa ₱2.1 milyon para sa mga batang pasyente, at higit ₱1 milyon naman para sa mga nasa hustong gulang. Bukod pa rito, saklaw na rin ngayon ang mga kidney transplant mula sa deceased donors—na dati’y limitado lamang sa living donors.
Sinasaklaw na rin ng PhilHealth ang post-kidney transplant care, kabilang ang panghabambuhay na immunosuppressant drugs at regular na laboratory monitoring. Para sa mga nasa hustong gulang, ito ay nagkakahalaga ng ₱600,000 hanggang ₱660,000 kada taon, habang umaabot sa ₱1.7 milyon ang benepisyo para sa mga bata sa kanilang unang taon ng gamutan.
Hindi lang ito limitado sa mga sakit na may kinalaman sa bato.
Pinalawak din ng PhilHealth ang saklaw nito para sa mga pasyenteng may acute myocardial infarction (atake sa puso). Maari na silang tumanggap ng hanggang ₱130,000 para sa medication-based treatment, at hanggang ₱530,000 para sa mga surgical procedures tulad ng angioplasty. Saklaw rin ng benepisyo ang cardiac rehabilitation (₱66,000) at ambulance transfer (₱22,000).
Binigyang-diin ni Dr. Vargas ang papel ng PhilHealth bayanihan model sa pagpapanatili at pagpapalawak ng mga benepisyong ito, na layuning tiyakin ang pantay-pantay at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)