MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na nakatuon ang Senado sa napapanahon, malinaw, at may pananagutang proseso sa pagbusisi ng national budget para sa susunod na taon.
“Sa pagsisimula natin sa committee deliberations sa panukalang pambansang budget sa 2027, magiging gabay ng Senado ang tiwala ng publiko, fiscal responsibility, at napapanahong pagpapatupad ng mga programa,” ani Gatchalian.
Ito ang naging pahayag ng senador matapos na mai-transmit ng Department of Budget and Management (DBM) sa Senado ang 2027 National Expenditure Program (NEP).
“Simple lang ang layunin natin: tiyakin na ang bawat piso ay may halaga at may malinaw na mekanismo para sa transparency at accountability. Mapunta man ito sa edukasyon, healthcare, imprastraktura, social protection, o job creation, kailangang direktang mapakinabangan ng mga Pilipino ang bawat pisong nakalaan sa 2027 budget at makatulong ito sa inclusive economic growth,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na bukod sa transparency at accountability sa proseso ng pagba-budget, dapat magkaroon din aniya ng mahigpit na safeguards. Si Gatchalian ang nanguna sa mahahalagang reporma sa proseso ng pagba-budget para sa 2026 General Appropriations Act. Ernie Reyes