Home NATIONWIDE P718M ng illegal na droga naharang sa magkahiwalay na operasyon sa Manila,...

P718M ng illegal na droga naharang sa magkahiwalay na operasyon sa Manila, Cavite

148
0

MANILA, Philippines — Umabot sa P718 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.

Sa operasyon sa Manila International Container Port sa Tondo, nasabat ng PDEA, katuwang ang Bureau of Customs at Philippine Coast Guard, ang tinatayang 800 kilo ng hinihinalang marijuana o “kush.”

Naaresto ang suspek na kinilalang alias “Manalo,” 44, residente ng Legazpi City, matapos madiskubre ang kontrabando sa mga shipment package sa Designated Examination Area ng Container Facility Station 3.

Narekober sa shipment ang humigit-kumulang 800 kilo ng kush na nakalagay sa 80 itim na plastic storage boxes na may mga vacuum-sealed plastic bags. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P640 milyon.

Samantala, sa isang controlled delivery operation sa Barangay Bucandala I, Imus City, Cavite, nahuli ang isa pang suspek na kinilalang alias “Moel” matapos kunin ang dalawang balikbayan boxes na may laman umanong ilegal na droga.

Sa inspeksyon, natuklasan ang 25.4 kilo ng kush at 11.4 kilo ng hinihinalang shabu na may kabuuang street value na P78.1 milyon.

Nasamsam din mula sa suspek ang perang ginamit sa tangkang panunuhol sa mga operatiba, mga ID, delivery receipts, cargo documents, cellphone, drug paraphernalia at sasakyang ginamit sa transaksyon.

Isusumite sa PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang ebidensya para sa forensic examination, habang haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here