MANILA, Philippines – Ipinaabot na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tulong pinansiyal para sa mga residenteng apektado ng bagyong Tino.
Sa katunayan, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay ipinaabot na ng Pangulo ang P760 milyon na direct aid para sa mga lalawigan at lungsod. Ang nasabing direct aid ay mula sa tanggapan ng Pangulo.
Sa katunayan, makatatanggap ng tig-P50 milyong piso ang mga lalawigan ng Cebu, Capiz, Surigao del Norte, Iloilo, Bohol at Negros Occidental.
Makatatanggap naman ng tig- P40 milyong piso ang Eastern Samar, Surigao del Sur, Southern Leyte, Antique at Aklan.
Habang makatatanggap naman ng tig-P30 milyong piso ang Leyte at Masbate. Habang tig-P20 milyong piso naman ang Guimaras, Agusan del Norte at Dinagat Islands.
Makatatanggap naman ng tig-P10 milyong piso ang Biliran, Camarines Sur, Sorsogon, Misamis Oriental, Negros Oriental at Palawan.
Nagpaabot din aniya si Pangulong Marcos ng financial assistance na tig-5 milyong piso sa Albay, Romblon, Batangas, Northern Samar, Siquijor, Quezon Province, Samar, Agusan del Sur, Laguna, Zamboanga City, Manila City, Camiguin, Occidental Mindoro, Camarines Norte, Zamboanga del Norte at Iligan City.
Sa kabilang dako, wala aniyang panawagan o paghingi ng tulong para sa anumang foreign assistance dahil sa ngayon aniya ay mayroon pang pondo para sa ganitong mga klaseng sitwasyon.
“At may mga quick response funds po ang mga frontline agencies na mari-replenish po at kung ito po ay kukulangin lalong-lalo na po sa mga LGUs, makakaasa po sila na sila po ay bibigyan po ng tulong mula sa Office of the President, iyong tinatawag po nating local government support funds,” ayon kay Castro.
“Pero sa ngayon po, among the ASEAN Plus 1 partners, maliban po sa mga nabanggit na bansa, nagpaabot na rin po ng pagtulong or readiness ang bansang Australia, Canada at USA para po sa pag-assist in our recovery efforts on the ground so iyon po,” ang dagdag na pahayag ni Castro sabay paglilinaw na sa ngayon aniya ay “hindi po tayo nananawagan para sa financial assistance or rather foreign assistance.” (KRIS JOSE)