Home METRO P8.1M shabu nakumpiska, suspek arestado

P8.1M shabu nakumpiska, suspek arestado

ZAMBOANGA CITY – ARESTADO ang hinihinalang notoryus na drug dealer matapos makuhanan ng P8.1M halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad nitong Biyernes sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Jul-Akmad Abbo Eling, 36-anyos, ng Upper HB Home, Barangay Sinunuc, Zamboanga City.

Ayon kay Police Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, katuwang ang Zamboanga City Police Office at Mayor John Dalipe, chairperson ng Zamboanga City Peace and Order Council, matagumpay na nadakip ang suspek madaling araw nitong Biyernes sa nasabing lugar.

Sa isinagawang operasyon, nakabili ang operatiba ng shabu sa suspek na may bigat na 1.2 kilo at aabot sa halagang P8.1M.

Sinabi ni Masuding, sa tulong ni Dalipe naaresto ang suspek matapos itong isailalim sa monitoring makaraan makatanggap ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidades ng suspek.

Inihanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa suspek.

Patuloy naman ang ginagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad para matunton ang posibleng mga kasabwat ni Eling./Mary Anne Sapico