Home HOME BANNER STORY P810-M danyos sa mga iskul sa hagupit ni Egay, habagat

P810-M danyos sa mga iskul sa hagupit ni Egay, habagat

MANILA, Philippines – Kakailanganin ng hindi bababa sa P810 milyon para maitayo at mai-rehabilitate ang mga paaralang nasira ng epekto ng Bagyong Egay at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon sa situational report ng DepEd noong Hulyo 28, 169 na paaralan sa siyam na rehiyon—National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, at Eastern Visayas— ang nagtamo ng pinsala mula sa bagyo at pagbaha.

Sinabi ng DepEd na 68 na paaralan sa CAR, Cagayan Valley, Central Luzon, at Western Visayas ang ginagamit din bilang mga evacuation center noong Hulyo 25.

May 50,987 katao o 13,828 pamilya ang nananatili sa loob ng 737 evacuation centers, habang 262,008 katao o 63,086 na pamilya ang nananatili sa ibang lugar, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.

Umakyat na rin sa 25 ang naiulat na bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Egay at Habagat, habang 20 katao ang nananatiling nawawala, dagdag ng NDRRMC. RNT