Home OPINION MGA USONG SAKIT SA PAGTAMA NG EL NIÑO PHENOMENON

MGA USONG SAKIT SA PAGTAMA NG EL NIÑO PHENOMENON

NAGBIGAY ng babala at paalaala ang Department of Health sa publiko sa malaking posibilidad ng pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa lalo pa’t kinumpirma na nga ng PAGASA na nagsimula na ang epekto ng El Niño weather phenomenon sa bansa.
Sa datus ng World Health Organization sa western pacific region, umabot na sa 48,109 ang naitatalang kaso sa bansa, mas mataas ito ng 38% sa kaparehas na panahon noong taong 2022.
Sa bilang na ito ay mayroong 176 na nasawi.
Ang dengue ay nakukuha mula sa kagat ng babaeng lamok na Aedes aegypti na maliit na lamok na mayroong white bands sa kanyang mga hita, at may guhitang puti sa katawan.
Pinag-iingat din ang publiko sa iba pang vector borne diseases na dulot ng parasites, viruses at bacteria katulad na lamang ng West Nile Virus, Lyme disease, at malaria.
Inaasahan din ang pagkakaroon ng mga water-borne disease katulad ng cholera, diarrhea, giardiasis, dysentery, typhoid fever, E. coli infection, salmonellosis, at leptospirosis.
Patuloy ang panawagan ng National Water Resources Board sa publiko na samantalahin ang pag-iipon at paggamit ng tubig ulan sa mga gawain sa tahanan.
Sa ganitong paraan ay nakatitipid na sa tubig na nagmumula sa Angat dam, maliit pa ang konsumong babayaran.
Bagamat ipinapayo ng NWRB ang pag-iipon ng mga tubig-ulan, siguraduhin na malinis ang paglalagyan, tulad ng drum o malala­king timba puwedeng gamitin.
Dapat mayroong takip para hindi pamugaran o pamahayan ng mga kiti-kiti na nagiging lamok.
Kung magreresiklo ng tubig ay gamitin din kaagad ito at huwag itong iimbak nang matagal.
Makabubuti rin kung pananatilihing malinis ang loob at labas ng inyong mga tahanan.
Para makasigurado, mag-init ng tubig na gagamitin bilang inumin, sa pagsasaing at sa pagluluto.
Sabi nga ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, “weather affects health” kaya dapat maghanda sa magiging epekto ng El Niño sa loob ng walong buwan.
Inaasahan kasi ito hanggang unang bahagi ng taong 2024.
Palaging tumutok sa mga impormasyon at abiso mula sa government sources at mapagkakatiwalaan ninyong media centers.